Kinuwestiyon ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang pagiging totoo ng listahang kumakalat sa social media na naglalaman umano ng mga mambabatas na binawi ang kanilang suporta sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag nitong Lunes, binigyang-diin ni Ridon na may nakitang “pekeng pangalan” sa nasabing listahan na kasalukuyang ibinabahagi ng mga pro-Duterte bloggers at supporters.
Ang tinutukoy ni Ridon ay ang pangalang “Bier Rodriguez” na nasa ikawalo sa listahan ng 15 mambabatas na hindi na raw pabor sa impeachment.
“Ang mga tagasuporta ni Vice President Duterte ay nagbabahagi ng listahan ng mga congressman na diumano’y bumawi ng suporta sa impeachment. Pero kung totoo ang pagbawi na iyan, may isa akong tanong: mayroon bang congressman na ang pangalan ay Bier Rodriguez? Wala,” ani Ridon.
Sa kasalukuyang 20th Congress, tatlo lamang ang mambabatas na may apelyidong Rodriguez: sina Catanduanes Rep. Eulogio Rodriguez, Abamin Party-list Rep. Maximo Rodriguez Jr., at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.
Ang usapin ng pagbawi ng suporta ay lumutang matapos bumoto ang House Committee on Justice noong April 29 na mayroong “probable cause” para i-impeach ang Bise Presidente.
Sa naturang pagdinig, lahat ng 53 miyembrong naroon ay bumoto pabor sa motion.
Nakatakdang bumoto ngayong Lunes ang panel para aprubahan ang committee report na naglalaman ng Articles of Impeachment. Kung maaprubahan, ipapadala ito sa House Committee on Rules bago iakyat sa plenaryo.
Ayon kay Justice Committee Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro, inaasahang sa May 11 magdedesisyon ang buong kapulungan ng Kamara kung aaprubahan o ibabasura ang nasabing ulat laban kay Duterte.
Ang reklamong impeachment ay dumaan sa mahabang proseso simula noong Marso, kabilang ang mga pagdinig sa isyu ng confidential funds, unexplained wealth, at ang mga umano’y banta ni Duterte laban sa matataas na opisyal ng gobyerno kabilang ang Pangulo.
