Rehas ang bagsak ng dalawang binatilyo matapos madakip ng Marikina Police Substation 6 sa isang follow-up operation sa Brgy. Tumana, madaling araw ng Mayo 2.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Marcel,” 19, at alyas “John John,” 18. Batay sa ulat, tinangay ng mga suspek ang isang motorsiklong naiwan ang susi sa harap ng isang salon sa Brgy. Concepcion Uno noong gabi ng Mayo 1.
Agad na ikinasa ng mga awtoridad ang operasyon kung saan namataan ang mga suspek sa Brgy. Tumana.
Nauwi sa habulan ang insidente hanggang sa sumemplang ang mga suspek, na nagresulta sa kanilang pagkakadakip at pagkakabawi sa ninakaw na motor.
Pinuri ni EPD District Director PBGEN Aden T. Lagradante ang bilis ng aksyon ng Marikina CPS. Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
