Nabulilyaso ang planong pagnanakaw sa isang pawnshop sa Brgy. Nova Proper, Novaliches, matapos madiskubre ng mga awtoridad ang isang tunnel na hinukay ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Ayon sa ulat ng Novaliches Police Station (PS 4), nagsimula ang imbestigasyon matapos makarinig ng kakaibang ingay sa manhole ang security guard ng pawnshop noong gabi ng Abril 22. Agad itong iniulat sa pulisya kinabukasan, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng tunnel na target sanang gamitin para makapasok sa loob ng establisyimento.
Sa isinagawang inspeksyon ng mga tauhan ni PLTCOL Dave Capurcos, narekober sa loob ng tunnel ang iba’t ibang kagamitan gaya ng portable grinder, hydraulic jacks, crowbars, at mga screwdriver.
Walang nanakaw na gamit o pera sa pawnshop dahil sa maagang pagkaka-detect sa operasyon.
Pinuri ni QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio ang pagiging alerto ng security personnel at ang mabilis na koordinasyon sa pulisya.
“This incident underscores the importance of alert security personnel and immediate coordination with the police,” pahayag ni Silvio.
Kasalukuyan nang tinutugis ng QCPD ang mga nasa likod ng nabigong “tunnel robbery.”
