NGAYONG Nobyembre 2025 ay ginugunita ang ika-35 Library & Information Month (LISM) ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas (National Library of the Philippines o NLP, itinatag 1887) na may temang “Libraries – A Hub for Cultural Exploration and Unity through Partnership.” Ang gawain ay sa bisa ng Proklamasyon Blg.837, s. 1991 na nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino (1933-2009, naglingkod 1986-92).

Layunin ng LISM 2025 na palakihin at palawakin ang kahalagahan ng taunang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga kaganapan at gawaing tumutugon sa nagbabagong pangangailangan at anyo ng mga aklatan at sentro ng impormasyon. Ang NLP ay patuloy na nangunguna sa nasabing proyekto sa tulong ng mga itinalagang organizing committee na titiyak sa pagbuo at masiglang pagdiriwang na aaabot sa iba’t ibang pamayanan ng mga Pilipino.
Pangunahing layunin ng LISM ay ang mapataas ang antas ng kaalaman at kamalayan ng publiko sa iba’t ibang serbisyong iniaalok ng mga aklatan at sentro ng impormasyon. Sa pamamagitan ng LISM, mahuhubog ang pagpapahalaga sa malawak na kaalaman, mapagkukunan, at pagkakataong ibinibigay ng mga institusyon. Maingat na pinili ang mga gawaing itinatakda upang maipakita ang mga pagbabago sa mga aklatan sa edukasyon, pananaliksik, pag-iingat ng kultura, at pag-unlad ng pamayanan.
Ang sumusunod ay ang talatakdaan ng mga gawain sa pagdiriwang: 03-07 Nob. LISM Bazaar and Exhibit, at Science Film; 05 Nob. Opening Ceremony; 06 Nob. LISM Educational Tour, at Book Theater Concert; 07 Nob. LISM Educational Tour, Lola Basyang Chamber, Storytelling Contest; at Opening of Children’s Library; 10 Nob. LISM at the Mall (SM Podium); 11 Nob. Pinoy Book Character Contest; 12 Nob. Layb Chikahan/Bring Me Contest, at Book Theater Concert; 13 Nob. LISM Activity with DOST-STII; 14 Nob. FOI Seminar; 18 Nob. Library Feud; 19 Nob. Layb Chikahan/Bring Me Contest, at Book Theater Concert; 20 Nob. DOST Webinar; 22 Nob. Book Picnic; 24-28 Nob. National Book Week; at 28 Nob. Awarding and Closing Ceremonies.
Samantala ay binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (isinilang 1957) ang mga institusyong nagbibigay ng inklusibong espasyo para sa pag-aaral at hinihikayat ang lahat na makibahagi sa gawain ng pagbabago sa mga komunidad upang masiglang maging sentro ng pag-aaral, kaalaman, kritikal na pagsusuri, at karunungan.
Binati rin ni Ms. Leslie Weir, Pangulo ng International Federation of Library Associations and Institutions (IFLA, itinatag 1927) ang lahat ng aklatan at sentro ng impormasyon sa Pilipinas, dahil sa paglaaan sa buwan ng Nobyembre upang ipagdiwang ang makabuluhang ambag ng Library and Information Services (LIS). Kanyang kinilala ang mahahalagang papel ng mga aklatan at pinupuri ang Pilipinas sa pagbibigay-diin sa pamamagitan ng LISM 2025.
Sa ngalan ng buong pamunuan ng Agila ng Bayan nawa’y patuloy nating bigyan ng pagpapahalaga at pagpupugay ang epekto ng mga aklatan sa paghubog ng isang mas may kaalaman, karunungan, at konektadong lipunan!Mabuhay ang LISM 2025!
