May 18, 2024

LALAKING WANTED SA LAGUNA, NASAKOTE SA VALENZUELA

Nasakote ng mga awtoridad sa Valenzuela City ang isang lalaking most wanted dahil umano sa pagpatay sa kanyang girlfriend sa Laguna.


Kinilala ni Valenzuela City police chief Col. Ramchrisen Haveria, Jr. ang naarestong suspek bilang si Roscoe Alve, 36, businessman at suspek umano sa pagpatay sa kanyang call center agent na girlfriend na si Crisanta Magadia, noong July 2020.

Ayon kay Col. Haveria, si Alve ay naaresto ng pinagsamang mga operatiba ng Valenzuela City Warrant and Subpoena Section (WSS) sa pangunguna ni PLT Robin Santos, at Biñan City police sa ilalim ng Simultaneous Enhanced Managing Police Operations (SEMPO) sa kanyang bahay sa Kaypandan St., Canumay West, ng lungsod dakong 12:30 ng madaling araw.

Isinilbi ng mga operatiba kay Alve ang warrants of arrest na inisyu ni Presiding Judge Jaime Banatin ng Biñan City, Laguna Regional Trial Court Branch 152 noong December 4, 2020 para sa kasong Murder at Robbery with Violence Against or Intimidation of  Persons with no bail recommended.

Ayon sa pulisya, si Alve ay listed bilang top 15 most wanted person ng Police Regional Office 4A.

Base sa record, si Magadia ay natagpuang walang buhay sa loob ng isang motel sa Biñan, Laguna noong July 29, 2020 at may nakapulupot na kumot sa kanyang leeg.

Sa kuha ng CCTV ng motel, makikita ang pagpasok ni Magadia kasama ang kanyang ex-boyfriend na si Alve at makikita rin ang pag-alis ng suspek sa motel na may dalang bag dakong 1 ng madaling araw. (JUVY LUCERO)