ANTIPOLO CITY — Nauwi sa trahedya ang isang simpleng inuman sa Sitio Malanim, Palos Tangke, Brgy. Dela Paz, matapos masaksak at mapatay ang isang 27-anyos na lalaki na nagtangkang umawat sa away nitong Hulyo 28, bandang 9:45 ng gabi.
Kinilala ang biktima bilang si Giovanni, residente ng Brgy. Dela Paz at may live-in partner. Ayon sa imbestigasyon ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), ang insidente ay naganap sa kasagsagan ng birthday celebration ni alyas Marvin kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek na si Romy, 50, isang construction worker, at isa pang kasama sa inuman na si Niño, 35.
Habang nagkakagulo, si Giovanni ay nagmagandang-loob na umawat sa alitan. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, bigla siyang sinaksak ni Romy gamit ang kitchen knife na may habang 9 pulgada, na tumama sa ilalim ng kaliwang kilikili ng biktima.
Agad dinala si Giovanni sa Assumption Specialty Hospital and Medical Center gamit ang tricycle ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Erika M. De Vera.
Mabilis namang nakaresponde ang pulisya matapos makatanggap ng 911 call bandang 12:30 AM ng Hulyo 29. Sa loob lamang ng limang minuto, nahuli ang suspek sa mismong crime scene at narekober ang ginamit na kutsilyo.
Dinala muna si Romy sa Rizal Provincial Hospital System-Antipolo Annex II para sa medical examination at pagkatapos ay itinurn-over sa Antipolo CCPS para sa kaukulang disposisyon.
