NASAWI ang isang 25-anyos na lalaki matapos barilin at agawan ng motorsiklo ng tatlong hindi pa kilalang mga suspek sa Vista Del Sol Subdivision, Brgy. Guitnang Bayan 1, nitong Huwebes ng gabi, March 5.
Kinilala ang biktimang si alyas “John,” residente ng Cristi Compound sa nasabi ring barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng San Mateo Municipal Police Station (MPS), naganap ang krimen bandang alas-11:11 ng gabi habang bumibili lamang ng pagkain ang biktima sa isang pares cart sa gilid ng kalsada.
Bigla umanong nilapitan ng tatlong suspek ang nakaparadang motorsiklo ng biktima—isang puting Yamaha Aerox—at tinangkang itangay ito. Nang pumalag at sumubok na lumaban si John, agad na bumunot ng baril ang isa sa mga suspek. Sa pagkakasa ng salarin sa kanyang 9mm na pistola, may nalaglag pa na isang bala bago niya tuluyang binaril ang biktima nang malapitan.
Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng General Luna Street dala ang ninakaw na motorsiklo ni John. Isinugod pa ang biktima sa Ynares Memorial Medical Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival ni Dr. Kimberly Pascual.
Sa kasalukuyan, tinutugis na ng kapulisan ang tatlong lalaking suspek na lulan ng isang itim na Yamaha Aerox at isang Yamaha NMAX.
Ayon sa mga saksi, ang mga suspek ay kapwa naka-white helmet at ang isa sa kanila ay nakasuot ng Joyride sleeve. Nagsagawa na ng dragnet at follow-up operations ang San Mateo MPS, habang rumesponde na rin ang SOCO para suriin ang pinangyarihan ng krimen.
