Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang upang maibsan ang epekto ng nararanasang krisis sa produktong petrolyo dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Bilang bahagi ng pagtitipid sa enerhiya, ipinag-utos ng Pangulo ang pagpapatupad ng four-day work week sa ilang tanggapan ng ehekutibo simula ngayong Lunes, March 9, 2026.
Nilinaw naman na hindi kabilang dito ang mga ahensyang nagbibigay ng frontline at emergency services gaya ng mga pulis, bumbero, at mga ospital upang matiyak na hindi mapuputol ang serbisyo sa publiko.
Bukod dito, inaatasan ang lahat ng sangay ng gobyerno na bawasan ng 10% hanggang 20% ang kanilang konsumo sa kuryente at langis.
Nagpahayag din ang Pangulo ng kahandaang humingi ng awtoridad sa Kongreso upang pansamantalang bawasan ang excise tax sa langis sakaling lumampas sa $80 kada barrel ang presyo ng Dubai crude.
Ayon sa Pangulo, ito ay isang pansamantalang hakbang lamang habang naririto ang krisis. Kasabay nito, tiniyak niya ang mabilis na pagpapalabas ng fuel subsidies at cash transfers para sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura na siyang pinaka-apektado ng pagtaas ng presyo.
Nanawagan din ang Pangulo sa publiko na magkaisa at magtipid sa pamamagitan ng carpooling at paggamit ng pampublikong sasakyan. Bagama’t may sapat na supply ng langis ang bansa para sa susunod na 50 hanggang 60 araw, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na kailangang maging handa ang lahat sa anumang magiging epekto ng kaguluhan sa labas ng bansa.
Para sa mga Pilipinong nasa apektadong lugar sa Gitnang Silangan, tiniyak ng Pangulo na nakahanda na ang repatriation programs ng DFA at DMW upang masigurong ligtas silang makakabalik sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
