April 30, 2024

LALAKING NANINGIL NG UTANG, INUTAS NG BACKHOE

Photo Courtesy: Jheys Co/FB

BRUTAL ang naging kamatayan ng isang lalaki sa kamay ng isang backhoe operator matapos singilin ng utang sa Sitio Suyok, Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal noong Biyernes.

Ayon sa Tanay Police, kinilala ang biktima na si Melvin Tical, na nagpunta sa excavation site kung saan nagtatrabaho ang suspek para singilin ng utang.

Habang nakasakay sa backhoe ang suspek, nagkasagutan ang dalawa matapos na ito ay singilin ng biktima sa money remittance na hindi naisauli ng una.

Sa kasagsagan ng pagtatalo, biglang hinataw ng suspek ang biktima ng bucket ng backhoe kaya bumagsak ito sa lupa.

Hindi pa nasiyahan, dalawang beses  pa nitong binagsakan ng bucket ng heavy equipment ang nakahandusay na biktima na naging dahilan ng agarang pagkasawi nito.

Naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek na naharap sa kasong murder.