Rehas ang bagsak ng isang 28-anyos na lalaki matapos mabuking sa CCTV na nakipagsabwatan umano ito upang manakaw ang motorsiklong hiniram lamang niya mula sa kanyang kaibigan sa Barangay San Juan.
Kinilala ng Taytay Municipal Police Station (MPS) ang suspek na si alyas Niño, isang stay-in helper na residente ng Novaliches, Quezon City. Habang pinaghahanap pa ang isa niyang kasabwat na hindi pa nakikilala.
Base sa imbestigasyon, hiniram ng suspek ang puting Honda Click 125 (Plate No. 332PJI) ng biktimang si @Arturo, 50-anyos, noong umaga ng Marso 2, 2026.
Bandang alas-9:00 ng gabi sa kaparehong araw, nag-report ang suspek sa biktima na nawala raw ang motor habang ito ay naka-park sa Sitio Malabon. Ayon sa suspek, naiwan niya umanong nakasaksak ang susi sa ignition kaya mabilis itong natangay.
Dahil sa pagdududa, nirepaso ang mga CCTV footage sa paligid ng pinangyarihan ng insidente. Dito tumambad ang katotohanan: hindi aksidenteng nawala ang motor kundi planadong kinuha.
Sa video, nakitang nakikipagsabwatan ang suspek sa isang hindi pa kilalang lalaki na siyang tumangay sa motorsiklo. Dahil dito, agad na humingi ng saklolo ang biktima sa mga awtoridad.
Mabilis na kumilos ang mga miyembro ng Barangay Peace and Order na sina B/T Luisito R. Seño at B/T Federico B. Joanino upang arestuhin ang suspek.
“Ang biktima at ang suspek ay magkaibigan. Ngunit lumabas sa imbestigasyon na may malinaw na sabwatan o connivance na naganap,” ayon sa ulat ng pulisya.
Dinala muna ang suspek sa Taytay Emergency Hospital para sa physical examination bago tuluyang ipinulasot sa Taytay MPS. Inihahanda na ng Investigator-on-Case (IOC) ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong Carnapping laban kay @Niño at sa kasabwat nito.
