May 7, 2024

LADY LAWYER NG DPWH-NCR, DRIVER INAMBUSH SA PASAY

NAKALIGTAS sa tangkang ambush ang isang opisyal ng Department of Public Works and Highways at kanyang driver sa Pasay City.

Kinilala ang biktima na si Maria Rochelle Melliza, 53, abogado ng DPWH-NCR; at kanyang driver na si Deo Decena, 42.

Ayon sa ulat, naganap ang pamamaril dakong alas-8:10 ng umaga kahapon malapit sa tahanan ni Melliza sa kahabaan ng Fortuna Street sa Barangay 20 sa naturang siyudad.

Sa salaysay ni Decena, papunta sila sa F.B. Harrison Street nang lapitan ng riding-in-tandem ang kanilang sasakyan. Bumunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang sasakyan ng biktima.

Nagtamo ng tama ng bala sa noo at braso si Melliza habang nasugatan sa kaliwang balikat at kaliwang dibdib si Decena. Parehong nasa maayos naman na kondisyon ang mga biktima.

Matapos ang insidente, ipinag-utos na ni Pasay City police chief Froilan Uy ang dragnet operations. Bumuo na rin sila ng team para matunton ang lokasyon ng mga suspek.