Hindi lamang panalo ang iniuwi ni Alex Eala noong Miyerkules ng gabi; ipinamalas din niya ang tibay ng dibdib na tumangging sumuko sa gitna ng matinding presyur.
Sa loob ng dalawang oras at 51 minuto, hinarap ng Pinay tennis star ang hamon ni Aliaksandra Sasnovich sa isang tapatan na higit pa sa palitan ng bola—ito ay naging laro ng determinasyon at kapit.
Para sa marami, ang haba ng laban ay tila dejavu. Noong Hunyo 2025 sa WTA250 Eastbourne Open, dumaan din si Eala sa kaparehong mahabang ruta laban kay Maya Joint. Ngunit sa pagkakataong iyon, kapos ang naging pagtatapos ng Filipina.
Sa pagkakataong ito sa Abu Dhabi, ibang kuwento na ang nasulat. Bagaman pagod na ang katawan at manipis na ang bentahe, nanatiling matatag si Eala upang masiguro na hindi lalaktaw ang pagkakataon sa kanyang mga kamay.
Sa kanyang post-match interview at social media, hindi itinago ni Eala ang hirap na pinagdaanan para makuha ang panalo.
“I really tried my best in those moments to fight… I really tried to find the fight. And in the end, I think when I was coming back, I was able to find it. So I’m really proud of that,” pahayag ng 20-anyos na atleta.
Dagdag pa niya sa kanyang social media post: “Survived this one, thanks guys.”
Hindi naging mag-isa si Eala sa kanyang pakikipagbakbakan. Halos mapuno ang stadium ng mga tagahangang Pilipino na walang tigil sa pagwagayway ng watawat at pagsigaw ng kanyang pangalan. Ang enerhiya mula sa “home crowd” sa banyagang lupa ang nagsilbing gasolina ni Eala upang lampasan ang pagod at makuha ang inaasam na tagumpay.
Sa huli, napatunayan ni Eala na sa mundo ng elite tennis, hindi sapat ang galing sa raket—kailangan din ng pusong hindi marunong bumitaw. (Ron Tolentino)
