Mariing pinabulaanan ng pamilya Gutierrez ang mga kumakalat na usap-usapan sa social media na pumanaw na ang beteranong aktor na si Eddie Gutierrez.
Sa pamamagitan ng isang video na ibinahagi ng kanyang anak na si Ruffa Gutierrez sa Facebook nitong Pebrero 2, personal na nagsalita ang aktor upang itama ang maling impormasyon.
Sa nasabing video, na inilarawan ni Ruffa bilang “pre-birthday message,” direktang hinarap ni Eddie ang mga pekeng balita.
“Ako po si Eddie Gutierrez. Mayroon kasing kumakalat na fake news na ako’y sumakabilang-buhay na. Hindi po totoo ’yon. Buhay na buhay po ako. I’m still alive and kicking,” saad ng aktor.
Dagdag pa niya, nagpapasalamat siya sa Panginoon sa patuloy na pagbibigay sa kanya ng lakas at buhay.
Ibinahagi rin ng aktor na nakatakda siyang magdiwang ng kanyang ika-84 na kaarawan ngayong darating na Biyernes, Pebrero 6.
Sa gitna ng kanyang pagpapagaling, nagpaabot siya ng pasasalamat sa kanyang asawang si Annabelle Rama, at sa kanyang mga anak na sina Ruffa, Richard, Raymond, Elvis, Rocky, Richie Paul, Monching, at Tonton. Binanggit din niya na ang kanyang mga apo ang nagbibigay sa kanya ng labis na katuwaan sa kasalukuyan.
Matatandaang kamakailan lamang ay sumailalim ang batikang aktor sa dalawang matagumpay na operasyon sa Singapore para sa impeksyon sa spine at prostate condition.
Ayon sa pamilya, maayos na ang kalagayan ni Eddie at patuloy ang kanyang recovery.
Sa huli, nakiusap ang aktor sa publiko, lalo na sa kanyang mga tagahangang senior citizen, na huwag mabahala at huwag basta-basta maniniwala sa mga maling ulat na lumalabas online.
