Sa isang makasaysayang tagpo sa Riyadh Golf Club sa Saudi Arabia, tuluyan nang natupad ang pangarap ni Miguel Tabuena na makatapak sa prestihiyosong LIV Golf League nitong Huwebes.
Bilang kauna-unahang Filipino na nakasali sa bilyonaryong liga, hindi binigo ng 31-anyos na manlalaro ang bansa matapos siyang tawagan ni Dustin Johnson para sumalang sa Aces GC team.
Nagpakitang-gilas agad si Tabuena sa kanyang debut kung saan nagtala siya ng solidong one-under-par 71, dahilan upang makasama siya sa isang seven-way tie para sa ika-35 na pwesto sa gitna ng matitinding kalaban.
Naging malaking sugal para kay Tabuena ang pagkakataong ito dahil mas pinili niyang manatili sa Riyadh bilang “first reserve” kaysa umuwi sa Pilipinas para sa Philippine Golf Championship sa Wack Wack.
Gayunpaman, nagbunga ang kanyang paghihintay nang ipasok siya ni Johnson sa lineup kasama sina Thomas Detry at Thomas Pieters.
Ang tiwalang ito ay nag-ugat pa noong Oktubre matapos magwagi si Tabuena sa International Series home event, kung saan personal na nasaksihan ni Johnson ang galing ng Pinoy nang maging magkapareha sila sa unang dalawang araw ng torneo.
Sa kabila ng mga naunang pagkabigo na makakuha ng awtomatikong slot sa liga, ang pag-akyat ni Tabuena sa LIV Golf stage ay nagpapatunay na ang determinasyon at tamang timing ay susi sa tagumpay.
Kasama ang kanyang mga birdie at matatag na laro, pinatunayan niya na ang mga atletang Pilipino ay may puwang sa pinakamalalaki at pinakamayamang entablado ng pandaigdigang golf. (Rpn Tolentino)
