Upang lalong mapatibay ang kalidad ng edukasyon sa bansa, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang Senate Bill No. 52 na naglalayong amyendahan ang Philippine Teachers Professionalization Act of 1994.
Sa ilalim ng panukalang ito, sasailalim sa malawakang reporma ang licensure examination para sa mga guro, kabilang ang pagpapatupad ng hiwalay na pagsusulit para sa mga larangan ng special needs at early childhood education bukod sa nakasanayang elementary at secondary levels.
Inaatasan din ng batas ang Professional Regulation Commission at Teacher Education Council na magtakda ng mas partikular na saklaw ng examination para sa iba pang espesyalisasyon upang matiyak na tugma ang kakayahan ng mga guro sa kanilang ituturo.
Bilang bahagi ng pagpapanatili ng mataas na pamantayan, oobligahin ang mga kukuha ng board exam na kumuha muna ng refresher course sakaling mabigo silang makapasa sa dalawang pagkakataon.
Bukod sa tradisyunal na pagsusulit, iminumungkahi rin ang pagsumite ng isang portfolio na magpapakita ng aktwal na kaalaman at kasanayan ng aplikante batay sa professional teaching standards. Ang Teacher Education Council ang magsisilbing tagapagtakda ng mga pamantayan sa pagsusuri ng mga dokumentong ito upang masiguro ang integridad ng proseso.
Ayon kay Gatchalian, na tumatayo ring Vice-Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, mahalagang matiyak na ang mga guro ay laging handa at may sapat na kaalaman sa gitna ng mabilis na pagbabago sa paraan ng pagtuturo.
Naniniwala ang senador na sa pamamagitan ng pagpapaigting sa proseso ng professionalization, mas mabibigyan ng de-kalidad na kinabukasan ang mga mag-aaral na Pilipino sa pamamagitan ng mga gurong dumaan sa mas mahigpit at modernong pagsasala. (Mina Paderna)
