Inaprubahan ng House of Representatives ang panukala ni House Deputy Minority Leader at Albay Rep. Leila de Lima na bawasan ng P156 milyon ang panukalang 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP), matapos umanong patuloy na tanggihan ni Vice President Sara Duterte na humarap sa Kongreso upang ipaliwanag ang paggamit ng pondo ng tanggapan.
Sa deliberasyon ng House General Appropriations Bill, iminungkahi ni de Lima na ibalik sa P733.2 milyon ang pondo ng OVP o katumbas ng 17.5% na bawas mula sa orihinal na P889.24 milyon na panukalang pondo para sa 2026.
“Every peso in this budget is the people’s money,” giit ni de Lima.
“Ang pananagutan ay tungkulin — tungkulin sa Konstitusyon, sa bayan, at sa katotohanan,” dagdag pa niya.
Mariin ding binatikos ni de Lima ang paulit-ulit na pagliban ni VP Duterte sa mga budget hearings, na tinawag niyang isang “insulto” sa tungkulin ng pananagutan.
“Ang paulit-ulit na pagtanggi ni VP Sara Duterte na humarap sa Kongreso ay isang insulto. Binabalewala nito ang obligasyong managot, habang patuloy niyang hawak ang milyun-milyong pondo ng bayan na ayaw niyang ipaliwanag,” aniya.
Nilinaw ng kongresista na ang hakbang ay hindi para pahinain ang tanggapan ng pangalawang pangulo, kundi para magpatupad ng disiplina at igiit ang prinsipyo ng accountability sa paggamit ng pondo publiko.
“This reduction is discipline, not demolition. Ang ginagawa natin dito ay pagtutuwid — tinatapatan natin ang entitlement, hinaharap ang kayabangan, at hinihingi ang respeto,” pahayag pa ni de Lima.
Bilang pagtatapos, muling iginiit ng mambabatas na ang pera ng taumbayan ay “hindi laruan”, at tungkulin ng Kongreso na “maging magulang na nagtutuwid sa isang batang pasaway.”
“So, Madam Speaker, Madam Sponsor, I respectfully but firmly propose the reduction of the budget of the Office of the Vice President from ₱889.24 million to its 2025 level of ₱733.2 million. I so move,” pagtatapos ni de Lima.
Matapos ang deliberasyon, inaprubahan ng Kamara ang naturang panukalang pagbabawas ng pondo ng OVP para sa 2026 national budget.
