BAGSAK sa selda ang isang kelot na wanted sa kaso ng carnapping sa Manila matapos malambat ng pulisya sa manhunt operation sa Navotas City.
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Northern Police District–District Anti-Carnapping Unit (NPD-DACU) na naispatan sa Navotas City ang 21-anyos na kelot na kabilang sa mga Most Wanted Person sa Manila Police.
Bitbit ang kopya ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 52, Manila, noong October 6, 2025, agad ikinasa ng mga tauhan ng NPD-DACU ang pagtugis sa akusado.
Dakong alas-4 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga tauhan ng DACU ang akusado sa Olivero Street, Barangay Tangos, Navotas.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang arestuhin siya ng pulisya sa bisa ng nasabing arrest warrant para sa paglabag sa Section 3 ng RA 10883 (The New Anti-Carnapping Act of 2016) na may inirekomendang piyansa na P300,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Panasamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng NPD-DACU habang hinihintay ang pagpaplabas ng commitment order mula sa hukuman. (JUVY LUCERO)
