ARESTADO ang 26-anyos na tirador umano ng mga personal na gamit sa loob ng mga nakaparadang sasakyan nang maaktuhan ng mga pulis sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Joseph Talento, Biyernes ng tanghali nang makatanggap sila ng ulat na may armadong lalaking paikot-ikot habang sinisilip ang loob ng mga nakaparadang sasakyan sa bakanteng lote sa Encarnacion St. Brgy. Marulas
Nang magtungo sa lugar ang mga pulis, naaktuhan pa nila ang suspek na sinisilip ang loob ng mga nakaparadang sasakyan pero nang kanilang lalapitan, biglang sumakay sa motorsiklo at humarurot patakas hanggang sumemplang nang mawalan ng kontrol na dahilan para magtamo siya ng mga sugat sa ulo at kamay.
Dahil dito, naaresto ng mga pulis ang suspek na alyas “Mark”, residente ng Gen. Trias, Cavite, at nakumpiska sa kanya ng mga tauhan ni P/Capt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ang walang papeles na kalibre .45 pistola na may limang bala sa magazine.
Wala ring maipakitang driver’s license ang suspek at certificate of registration ng kanyang motorsiklo, pati na ng official receipt, kaya’t inimpound ito ng mga puli.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of Such Person), Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Section 19 ng R.A. 4136 (Driving without License).
