LUMALABAS sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey na 34% ng mga Pilipino ang nagsabing madalas silang nakararanas ng stress sa araw-araw, mas mataas kumpara sa 27% noong 2019, na nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng antas ng tensyon sa buhay ng karaniwang Pilipino.
Ang naturang survey, na isinagawa mula Setyembre 24 hanggang 30, 2025 at inilabas sa World Mental Health Day noong Oktubre 10, ay may 1,500 respondents mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Ayon sa datos, 32% ang nagsabing paminsan-minsan lamang silang nai-stress, 30% ang bihira lang, habang 4% ang nagsabing hindi sila nakararanas ng stress.
Batay sa ulat, 53% ng mga Pilipino ang nagsabing ang kanilang pinansiyal na kalagayan ang pangunahing dahilan ng kanilang stress.
Kasunod nito ang kalusugan (42%), trabaho o pag-aaral (39%), at sitwasyon sa pamilya (38%).
Hindi nakapagtataka ang resulta, lalo’t patuloy na tumataas ang inflation rate sa bansa — umakyat ito sa 1.7% noong Setyembre mula 1.5% noong Agosto, bunsod ng pagmahal ng petrolyo at gulay.
Ayon sa SWS, ipinapakita ng mga numerong ito na malalim na naapektuhan ng mga presyur sa ekonomiya, kalusugan, at pamilya ang pang-araw-araw na buhay at mental well-being ng mga Pilipino.
Nagbabala ang mga mental health professionals na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang mga palatandaan ng matinding stress, kabilang ang:
- Matitinding pagbabago sa ugali, galit, o lungkot
- Paglayo sa mga kaibigan, pamilya, o dating kinahihiligan
- Kawalan ng gana sa sarili o kalinisan
- Hirap mag-concentrate o madalas magkamali sa trabaho o eskwela
- Biglang pagbabago sa timbang o pagkain
- Mga pahayag o kaisipan tungkol sa pagpapatiwakal o pananakit sa sarili
Ang Third Quarter 2025 SWS Survey ay kinabibilangan ng 300 respondents sa Metro Manila, 600 sa Luzon (labas ng NCR), at 300 bawat isa sa Visayas at Mindanao.
May ±3% margin of error para sa pambansang resulta, at ±4% hanggang ±6% para sa rehiyonal na datos.
Ayon sa SWS, ang survey ay non-commissioned o isinagawa sa sariling inisyatiba ng ahensya bilang serbisyong publiko.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang stress ay isang natural na reaksyon ng tao sa mahihirap na sitwasyon, ngunit kapag labis na ito, maaari itong magdulot ng seryosong problema sa pisikal at mental na kalusugan.
Sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya at pulitika, muling nananawagan ang mga eksperto na gawing prayoridad ang mental health sa mga tahanan, paaralan, at lugar ng trabaho.
