UMAKYAT na sa walo ang bilang ng mga nasawi sa magkakasunod na lindol na yumanig sa Davao Region nitong Biyernes, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado.
Ayon kay OCD Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, tatlo sa mga nasawi ay mula sa Davao Oriental, apat sa Davao de Oro, at isa sa Davao City. Gayunman, nilinaw niyang sumasailalim pa sa beripikasyon ang naturang bilang.
Batay sa datos ng OCD, tinamaan ng magnitude 7.4 at 6.8 na lindol ang rehiyon, na nakaapekto sa 267,000 katao sa Region XI at 210,272 sa Caraga.
Hanggang alas-2 ng hapon nitong Sabado, nasa 11,000 indibidwal ang nananatili sa 18 evacuation centers sa mga apektadong lugar.
Kinilala ng OCD ang Manay, Davao Oriental bilang isa sa mga pinaka-matinding tinamaan ng lindol.
Ayon kay Alejandro, kalusugan ang isa sa pinakamalaking hamon ngayon matapos maging di-operasyonal ang Davao Oriental Provincial Hospital sa Manay at mapuno ang mga pagamutan sa Mati at karatig na bayan.
“Kailangan nating magpatayo ng mga temporary medical tents o alternative health facilities. Ito ay inaasikaso na ng Department of Health,” ani Alejandro.
Kasama rin sa mga prayoridad ng pamahalaan ang agarang pag-aayos ng mga ospital, linya ng kuryente at telekomunikasyon, pati na ang mabilis na pamamahagi ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Nanawagan din si Alejandro sa publiko na manatiling kalma at alerto sa gitna ng mga inaasahang aftershocks.
“Ang prioridad po natin ngayon ay ang kaligtasan ng lahat. Sumunod tayo sa mga abiso ng mga disaster managers,” dagdag pa niya.
Samantala, tiniyak naman ni Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez na nakatutok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sitwasyon at “round-the-clock” ang operasyon ng mga ahensiya ng gobyerno.
“Ang pinakamahalagang layunin ng Pangulo ay ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Lahat ng frontline agencies ay inatasang magbigay ng tulong at rescue operations,” ani Gomez.
