BIGONG mapasama sa NBA Summer League roster ng Sacramento Kings si Kevin Quiambao, dalawang beses na UAAP MVP, sa kabila ng kanyang pagsabak sa workouts kasama ang NBA-caliber trainers at prospects sa Sacramento.
Inanunsyo ng Kings ang kanilang opisyal na lineup nitong Lunes, Hulyo 7, para sa Summer League na gaganapin mula Hulyo 10 hanggang 20 sa Las Vegas, Nevada. Kabilang sa roster ang kanilang mga bagong draft picks na sina Nique Clifford (No. 24) at Maxime Raynaud (No. 42), ngunit wala si Quiambao sa listahan.
Dumating si Quiambao sa Sacramento noong Hulyo 3 sa pag-asang makapasok sa Summer League team, lalo pa’t mayroon siyang koneksyon sa Kings player development coach na si Jimmy Alapag, dating kapitan ng Gilas Pilipinas at bahagi rin ng coaching staff ng Kings sa Las Vegas.
Dahil sa pagkakaalis niya sa roster, mapipilitan ngayon si Quiambao na maghanap ng ibang koponang maaaring magbigay sa kanya ng pagkakataong makalaro sa Summer League.
Sa kasalukuyan, wala pang kumpirmadong NBA team ang kumuha sa kanya para sa torneo. Samantala, sinimulan na ng ilang koponan ang Summer League sa California Classic na ginaganap sa Chase Center, home court ng Golden State Warriors.
Kung sakaling makahanap ng team, susundan ni Quiambao ang yapak ng mga kapwa Gilas players tulad nina Japeth Aguilar, Ray Parks, Kiefer Ravena, at Kai Sotto, na lahat ay nakapaglaro na sa NBA Summer League. Si Sotto ang pinakahuling nakalaro noong 2022 para sa Orlando Magic ngunit hindi nakatapos ng torneo dahil sa injury.
Matapos lisanin ang La Salle noong Disyembre, nagtungo si Quiambao sa Korean Basketball League kung saan nag-average siya ng 16.9 puntos, 6.3 rebounds, 3.9 assists, at 1.3 steals sa 23 laro para sa Goyang Sono Skygunners.
Sa panayam noong Hunyo, inamin ni Quiambao na positibo pa rin siya sa kanyang NBA dreams ngunit handang bumalik sa Korea kung hindi pa oras para sa kanya sa ngayon. “All for gain, nothing to lose. If there’s no opportunity, I’ll just go back to Korea,” ani Quiambao. (RON TOLENTINO)
