PASIG CITY — Timbog ang isang High-Value Individual (HVI) na sangkot sa ilegal na droga matapos ang isang matagumpay na buy-bust operation ng Pasig City Police Station sa Brgy. Pinagbuhatan, Lunes ng madaling-araw, Hulyo 7.
Ayon sa ulat, bandang alas-4:05 ng umaga nang isagawa ng Station Drug Enforcement Unit, sa pakikipagtulungan ng Pasig City Anti-Drug Abuse Office, ang operasyon sa kahabaan ng Sandoval Avenue.
Kinilala ang suspek na si “Alex,” 41 taong gulang, walang trabaho, at residente ng nasabing barangay. Nasamsam mula sa kanya ang tinatayang 50 gramo ng shabu na may halagang humigit-kumulang ₱340,000.00 sa street value.
Ang mga ebidensyang nakumpiska ay maayos na inimbentaryo sa harap ng isang opisyal ng barangay at kinatawan ng media bago isinailalim sa laboratory examination.
Pinuri ni PCol Hendrix B. Mangaldan, hepe ng Pasig Police, ang tinaguriang “Pasig Elite” operatives sa kanilang dedikasyon at husay sa operasyon, na isinagawa alinsunod sa 3 Core Pillars ng Chief PNP—lalo na ang Swift and Responsive Public Service—at sa Triple “A” Program ng NCRPO.
Hinimok din ni PCol Mangaldan ang publiko na manatiling mapagmatyag at makiisa sa kampanya kontra ilegal na droga at kriminalidad sa lungsod.
