HIMAS-REHAS ang 24-anyos na kelot matapos i-reklamo ng pananakit, pagbabanta at panunutok ng baril sa kanyang live-in partner sa Malabon City.
Sa reklamo sa pulisya ng biktimang si alyas “Lona”, 35, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maganap umano ang pananakit sa kanya ng live-in partner na si alyas Jeff, batilyo, sa loob ng kanilang bahay sa Phase 3, Area 1, Brgy., Longos.
Hindi pa nakuntento, pinagbantaan at tinutukan pa umano siya ng baril ng suspek na dahil sa labis na takot ay humingi na ng tulong ang biktima kay P/Capt. Lalaine Almosa, Acting Commander ng Malabon Police Patrol Base 7.
Agad namang nagpunta ang mga tauhan ni Capt. Almosa sa bahay ng mag live-in partner subalit, hindi na nila naabutan si ‘Jeff’ habang pinapasok sila ng biktima at itinuro sa kanila ang kung saan itinago ng suspek ang baril nito.
Nang buksan ang drawer na itinuro ng biktima, tumambad sa mga pulis ang isang kalibre .357 Magnum revolver na kargado ng apat na bala kaya kinumpiska nila ito.
Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto si ‘Jeff’ sa paglabag sa R.A 9262 at nang hanapan ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng kanyang baril ay wala siyang naipakita si kaya madagdagan pa ang kanyang kaso ng paglabag sa R.A 10591. (JUVY LUCERO)
