PALO, Leyte – Ipinagpatuloy ng Department of Science and Technology Region VIII (DOST VIII) ang selebrasyon ng 2025 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) nitong Huwebes, na tampok ang temang “Agham na Ramdam,” ang agham na dama ng kabataan, lokal na negosyo, at mga komunidad sa Eastern Visayas.
Isa sa mga pangunahing aktibidad ang STEM Connect: Students Meet the Secretary sa Philippine Science High School – Eastern Visayas Campus (PSHS-EVC), kung saan personal na nakaharap ng mga estudyante si DOST Secretary Renato U. Solidum Jr.
Ang pagtitipon ay nagpakilala sa mga kabataan sa interactive STEM programs gaya ng NuLab: STEM in Motion at Indie Siyensya Film Festival.
Hinikayat ni Secretary Solidum ang kabataan na tahakin ang larangan ng agham, teknolohiya, inhenyeriya, at matematika (STEM) upang makatulong sa pagbuo ng isang mas ligtas at mas matatag na kinabukasan.
Nagpahayag din ng suporta ang Department of Education (DepEd) Region VIII sa pagpapalakas ng STEM education sa rehiyon.
Bumisita rin si Secretary Solidum sa Ice Cream Making Facility ng Palo Livelihood Center, isang DOST-assisted project na gumagamit ng science-based food processing technologies para palakasin ang lokal na produksyon at mapalawak ang kabuhayan.
Pinuri niya ang inisyatiba ng lokal na pamahalaan ng Palo, na pinangunahan ni Mayor Remedios “Matin” Petilla, at binigyang-diin ang kahalagahan ng LGUs na aktibong nakikipagtulungan sa DOST.
Bilang pagtatapos ng araw, pinasinayaan ang bagong Innovation Hub (iHub) at renovated office building ng Provincial Science and Technology Office (PSTO) Leyte sa DOST Compound, Brgy. Candahug, Palo.
Ang iHub ay magsisilbing collaborative space para sa mga estudyante, researchers, MSMEs, at komunidad upang makagamit ng science and innovation resources para sa lokal na pag-unlad.
Dumalo rin sa mga aktibidad sina DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Mabborang, DOST VIII Regional Director Dr. John Glenn D. Ocaña, at iba pang opisyal, na nagpatibay sa panawagang “One DOST 4 U: Solutions and Opportunities for All.” (MINA PADERNA)
