May 2, 2024

Kelot itinumba sa harap ng kapatid

PATAY ang isang 31-anyos na binata matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang suspek sa harap mismo ng kanyang kapatid sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Agad binawian ng buhay sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Jerico Camino, quality controller at residente ng Block 4 Lot 4 Phase 2 Area 2, Mandaragat St., Brgy. NBBS, Navotas City.

Ipinag-utos naman ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao sa kanyang mga tauhan ang follow up imbestigasyon sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.

Sa imbestigasyon ni PSSg Ernie Baroy at PCpl Archie Beniasan, alas-8:13 ng gabi, magde-deliver sana ang biktima kasama ang kanyang kapatid na si John Rey ng Gummy product at habang nakatayo sa Maya-Maya St. corner Pampano St. nang sumulpot mula sa likod ang mga suspek saka pinagbabaril sa iba’t ibang parte ng katawan si Jerico.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang isang suspek patungong Dagat-Dagatan Elementary School habang patungong direksyon naman ng Pampano St. ang kanyang kasabwat. Humingi naman ng tulong si John Rey sa pulisya.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang 9 na basyo ng bala, 2 metallic fragment, 1 deformed cartridge case, 1 badly deformed fored bullet at cellphone ng biktima.