Nagdulot ng kalituhan ang magkasalungat na bersyon ng kwento tungkol sa kalusugan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos magbigay ng magkaibang pahayag ang kaniyang abogado sa International Criminal Court (ICC) at ang kaniyang anak na si Davao City Rep. Paolo Duterte.
Sa panig ng depensa, ipininta ni Atty. Nicholas Kaufman ang isang madilim na larawan ng dating pangulo. Inilarawan niya si Duterte bilang isang “emaciated, infirm and incapacitated shadow of his former self.”
Ayon kay Kaufman, ang pisikal at mental na kondisyon ni Duterte ay “seryosong lumala.” Binanggit din sa mosyon ng depensa ang mga ulat mula sa court-appointed experts na nakapansin umano sa “unexplained weight loss” at ang kawalan ng kakayahan ng dating pangulo na kumilos sa araw-araw nang walang tulong ng iba.
Ginamit ng depensa ang argumentong ito upang hilingin sa ICC na muling isaalang-alang ang detensyon ni Duterte, sa dahilang masyado na itong mahina para magtangka pang tumakas o makialam sa mga saksi.
Ngunit sa kabila ng pahayag ng abogado, tila kabaligtaran ang sinasabi ni Rep. Paolo “Pulong” Duterte. Sa isang pahayag, binigyang-diin ng kongresista na nasa mabuting kalagayan ang kaniyang ama.
“Okay naman siya. Kumakain. Medyo tumaba nga,” ani Paolo. Dagdag pa niya, bagama’t medyo pumayat ang binti ng ama dahil sa kawalan ng ehersisyo, tiniyak niyang “healthy siya, inaalagaan naman siya ng mga doktor sa loob.”
Dahil sa magkaibang “script,” marami ang nagtatanong kung alin sa dalawang bersyon ang dapat paniwalaan ng publiko at ng korte. Ayon sa mga obserba, ang ganitong kontradiksyon ay maaaring makasira sa kredibilidad ng kampo ni Duterte sa harap ng ICC.
Nahaharap ang dating pangulo sa mga kaso ng crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga. Ang usapin ng kaniyang kalusugan ay mahalaga sa takbo ng kaso, hindi lamang bilang personal na usapin, kundi bilang batayan sa mga ligal na desisyon ng pandaigdigang hukuman.
Sa ngayon, habang naghihintay ng desisyon mula sa ICC, nananatiling palaisipan sa bansa: Sadya nga bang mahina na ang dating lider para makakuha ng simpatiya ng korte, o malakas pa ito gaya ng iginiit ng kaniyang pamilya?
