Nanatiling matatag at nakapokus sa pamamahala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kabila ng mga usap-usapan tungkol sa posibleng paghahain ng impeachment complaint laban sa kaniya pagbalik ng sesyon ng Kongreso sa Enero 26.
Ito ang inihayag ng Malacañang nitong Lunes, kasunod ng naging pahayag ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na may ilang grupo na nagnanais maghain ng reklamo laban sa Pangulo sa mga batayang gaya ng “betrayal of public trust.”
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang mga ulat na ito ay wala pang matibay na basehan at tila bahagi lamang ng pulitika. Binanggit ni Castro na ayon sa mga impormasyon, may mga miyembro umano ng “Diehard Duterte Supporters” (DDS) na lumapit sa isang mambabatas para isulong ang nasabing hakbang.
“Ang impeachment complaint ay hindi ito pang-media lamang. Hindi ito panakot lamang,” ani Castro sa isang press briefing. Diin niya, ang impeachment ay isang seryosong mekanismo ng Konstitusyon at hindi dapat ginagamit para lamang sa publicity o pananakot.
Naniniwala rin ang Palasyo na ang usap-usapang ito ay posibleng isang paraan upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga isyung kinakaharap ni Bise Presidente Sara Duterte.
Tiniyak ni Castro na handa ang Pangulo sa anumang political scenario dahil sa kaniyang mataas na respeto sa Saligang Batas at mga legal na proseso. Pinabulaanan din ng Palasyo ang mga alegasyon ng korapsyon, lalo na sa pagpirma ng budget.
Sa halip na “betrayal of public trust,” iginiit ni Castro na ang Pangulo pa mismo ang nag-utos ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects at naglagay ng mga safeguards sa 2025 national budget upang matiyak na protektado ang pondo ng bayan.
Samantala, tinawag ni House Deputy Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na “political noise” lamang ang banta ng impeachment. Ayon sa kaniya, ito ay taktika upang bagalan ang kampanya ng administrasyon laban sa mga tiwaling opisyal na nasangkot sa flood control scandal.
“Ang paghahain ng impeachment complaint ay isang bagay, ngunit ang pagkakaroon ng suporta para rito ay iba pang usapan,” pahayag ni Adiong.
Sinegundahan ito ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson Jude Acidre, na nagsabing dapat ay nakabase sa matibay at kredibleng ebidensya ang anumang impeachment move at hindi sa mga sabi-sabi lamang.
Sa kasalukuyan, wala pang pormal na reklamo na naihain o kumakalat sa loob ng Kamara.
