PORMAL na pinagtibay ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang kanilang pagtutulungan upang isulong ang science, technology, and innovation (STI) bilang pundasyon ng pag-unlad sa rehiyon.
Sa isang courtesy visit kamakailan, tinanggap ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. si Cagayan Provincial Governor Edgar Aglipay.
Layunin ng pagtatagpo na masiguro ang inklusibo at matatag na ekonomiya sa Cagayan sa pamamagitan ng mga makabagong solusyon.
Sentro ng talakayan ang pagtatanghal ng Three-Horizon STI Economic Strategy (2025–2028) ng DOST.
Ito ay isang malinaw na roadmap na naglalayong pataasin ang produktibidad ng probinsya, bumuo ng isang “knowledge-based economy” at ihanda ang Cagayan sa mga industriya ng hinaharap tulad ng Artificial Intelligence (AI), biotechnology, at renewable energy.
Binigyang-diin ni Secretary Solidum na dapat nang tingnan ang agrikultura bilang isang “business ecosystem” at hindi lamang tradisyunal na pagsasaka.
Sa tulong ng mga programang tulad ng Smart Agriculture at SARAI (Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines), layon nitong bigyang-lakas ang mga magsasaka at kooperatiba na gawing high-value products ang kanilang mga ani.
Ibinida rin sa pagpupulong ang paggamit ng GATES (Geospatial Analytics and Technology Solutions). Ang tool na ito ay gumagamit ng data para sa mas mabilis na disaster response at mas matalinong pagdedesisyon ng mga lokal na opisyal base sa heograpiya ng kanilang lugar.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Governor Aglipay sa mga inisyatiba ng DOST.
Ayon sa gobernador, prayoridad ng lalawigan ang paglikha ng mga de-kalidad na trabaho, pagtulong sa mga nagbabalik na OFW na magtayo ng sariling negosyo at pagpapalakas ng logistics at processing ng mga lokal na produkto.
Kasama rin sa nasabing meeting sina DOST Undersecretary Engr. Sancho A. Mabborang, Board Member Atty. Engelbert “Jojo” Caronan, at DOST Region II Director Virginia G. Bilgera.
Ang pagbubuklod na ito ay inaasahang gagawing modelo ang Cagayan para sa ibang lalawigan sa paggamit ng siyensya at teknolohiya tungo sa pangmatagalang pag-unlad. (MINA PADERNA)
