Photo credit: KON. Kyle Navarro/FB
LUNGSOD NG MALOLOS – Binuksan na sa publiko ang 16th iteration ng Minasa Festival sa BMA Park, Bustos, Bulacan, bitbit ang temang “Minasa ng pagkakaisa, Tagumpay ng bawat isa!”
Ang taunang pagdiriwang na ito ay nagsisilbing pagkilala sa makulay na kasaysayan ng bayan at sa tanyag nitong kakanin—ang Minasa. Layunin ng selebrasyon na pagbuklurin ang mga mamamayan habang isinusulong ang lokal na ekonomiya at kultura.
Hindi lamang sayawan ang tampok sa festival, kundi pati na rin ang mga oportunidad para sa mga taga-Bustos. Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang Agri-Trade Fair at Kadiwa ng Pangulo para sa mga lokal na produkto, Trabaho ni Juan Job Fair para sa mga naghahanap ng mapapasukan at Kalutong Bustos na nagtatampok sa galing ng mga lokal sa pagluluto.
Binigyang-diin din ang talento ng kabataan sa pamamagitan ng Art is Cool!, Little Mr. and Ms. ECCD, at ang inaabangang DepEd Night.
Sa kanyang mensahe bilang panauhing pandangal, ipinahayag ni Vice Governor Alexis C. Castro na ang Minasa Festival ay isa sa mga haligi ng pagkakakilanlan ng lalawigan.
“Patuloy nating pinapanday ang diwa ng pagkakaisa, pagmamalaki sa sariling atin, at malasakit sa pamana ng ating mga ninuno. Wala pong magmamahal sa Minasa Festival kundi tayong mga Bulakenyo,” anang Bise Gobernador.
Puno ang linggong ito ng iba’t ibang aktibidad tulad ng Zumbasaya Dance Competition, Tanod Drill and RescueJuan Olympics, at ang Senior Citizen’s Night.
Inaasahang dadagsain din ang mga highlight ng festival gaya ng Minasa Street Dance and Dance Showdown, ang Bakbakan sa Himpapawid, at ang One Big Surprise Concert.
Magtatapos ang selebrasyon sa darating na Enero 18 sa pamamagitan ng tradisyunal at relihiyosong Tugtog at Sayaw Alay kay Sto. Niño, na simbolo ng pasasalamat at matatag na pananampalataya ng mga taga-Bustos. (MINA PADERNA)
