NAKATAKDA ngayong 30 Nobyembre 2025 Linggo ang paggunita sa Araw ni Bonifacio na may temang “Isang Bayan, Isang Laban: Katapatan at Katarungan Kontra Katiwalaan” (One People, One Struggle: Honesty and Justice Against Corruption).

Ang pagdiriwang ay pangungunahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933) na magsasagawa ng sabayang pagtataas ng Pambansang Watawat at pag-aalay ng mga bulaklak sa mga bantayog ni Bonifacio sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang lahat ng mga pamayanan ay hinihikayat na makibahagi sa pagsasagawa ng lokalisadong pagdiriwang.
Si ANDRES BONIFACIO Y DE CASTRO (1863-97) ay ang kinikilalang ‘Ama ng Rebolusyong Pilipino’ at itinuturing na isa sa pambansang bayani ng Pilipinas. Itinatag niya ang isang lihim na rebolusyonaryong lipunan noong 1892 na may layuning makamit ang kalayaan ng Pilipinas mula sa España.
Ang pagdiriwang sa kaarawan ng bayani ay sinimulan ng mga sibikong samahan noong 1901. Si Senador Lope K. Santos (1879-1963) ay nagpasa ng batas noong 1920 na nagdedeklara na ang petsang 30 Nobyembre ay gawing araw ng pahinga o holiday.
Sa sumunod na taon ay pinagtibay ang batas ni Governor General Leonard Wood (1860-1927) sa pamamagitan ng Act No. 2711. Noong una ang pagdiriwang ay kaalinsabay sa paggunita sa lahat ng mga bayaning Pilipino sa kabila ng hiwalay na pagkilala sa Pambansang Araw ng mga Bayani na ipinatupad noong 1931. Noong 1942 ay idineklara na ang 30 Nobyembre ay Pambansang Araw ng mga Bayani.
Pagkaraan ng isang dekada, pinagtibay ni Pangulong Elpidio R. Quirino (1890-1956, naglingkod 1948-53) ang magkahiwalay na pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani at Araw ni Bonifacio sa pamamagitan ng executive order.
Sa talumpati ni Pangulong Quirino sa The National Teachers College (itinatag 1928) ay kanyang ipinahayag na “ang pagbabago ay kinakailangan dahil sa pagnanais ng bawat sektor ng bansa na ipagdiwang ang kaarawan ng bayani upang mapanatili ang kanyang mga alaala at pangalan.”
Hindi kagaya kay Jose Rizal (1861-96) na ang paggunita ay sa araw ng kanyang kamatayan, si Bonifacio ay mismong sa araw ng kanyang kapanganakan.
Nawa’y ang mga nagawa at pamana ni Bonifacio ay magpatuloy sa atin upang magsilbing inspirasyon ng paglilingkod sa bayan. Kailangan natin ang inspirasyon kagaya ni Bonifacio na simbolo ng may pagmamalasakit, buong husay, katapatan, at dedikasyon.
Nakikiisa ang Agila ng Bayan sa makabuluhang Araw ni Bonifacio!
