TACLOBAN CITY – Matapos ang halos anim na taong paghihintay, hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 45 nitong Huwebes, Enero 22, ang journalist na si Frenchie Mae Cumpio, 26, at aktibistang si Marielle Domequil na guilty sa kasong terror financing.
Sa desisyon ni Judge Georgina Uy Perez, napatunayang nagkasala ang dalawa sa paglabag sa Section 8 (ii) ng Republic Act No. 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
Pinatawan sila ng parusang pagkabilanggo mula 12 taon hanggang 18 taon at pinagbabayad ng fine na P500,000 bawat isa. Inatasan din ang korte na ilipat sila sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Bagama’t nahatulan sa terror financing, may magandang balita para sa kampo ng mga akusado dahil inabsuwelto sila ng korte sa hiwalay na kaso ng illegal possession of firearms and explosives. Ito ay kasunod din ng pagkakabasura ng kasong murder laban kay Cumpio sa Northern Samar noong Nobyembre 2025.
Dahil sa pagkakaabsuweltong ito, iginiit ng kanilang legal counsel na si Atty. Julianna Agpalo na maaari na silang maghain ng motion para payagang magpiyansa ang dalawa habang umuusad ang kanilang appeal sa mas mataas na korte.
Ipinaliwanag ni Agpalo na ang kasong terror financing ay maituturing na bailable dahil ang iginawad na parusa ay pasok sa reclusion temporal at hindi reclusion perpetua.
Gayunpaman, ang pagpiyansa sa yugtong ito ay hindi na ituturing na “matter of right” kundi “matter of discretion” na ng hukom. Kung mapagbibigyan, pansamantalang makakalaya sina Cumpio at Domequil dahil wala na silang ibang nakabinbing kaso na non-bailable.
Base sa naging paglilitis, tinanggap ng korte ang testimonya ng mga testigo na nag-akusa kina Cumpio at Domequil na naghatid umano ng pondo, bala, at mga kagamitan sa mga miyembro ng CPP-NPA sa Catbalogan City noong Marso 2019.
Mariing itinanggi ng dalawa ang mga paratang at sinabing nasa Tacloban City sila nang mga panahong iyon para sa kanilang mga trabaho. Gayunpaman, hindi naniwala ang korte sa kanilang alibi dahil sa kawalan ng digital forensic evidence na magpapatunay na sa Tacloban nga nila ginawa ang kanilang mga online activities noong araw na iyon.
Ayon sa desisyon ng korte, ang proof beyond reasonable doubt ay hindi nangangailangan ng absolute certainty, kundi sapat na ang moral certainty na nagkasala ang mga akusado matapos suriin ang mga katotohanan.
Plano naman ng kampo ni Cumpio na maghain ng Motion for Reconsideration sa loob ng 15 araw upang labanan ang nasabing hatol.
