Isang pormal na ethics complaint ang inihain ni Atty. Marvin Aceron laban kay Senator Joseph Victor “JV” Ejercito dahil sa umano’y tahasang pagpapabaya nito sa kanyang tungkulin bilang tagapangulo ng Senate Committee on Ethics and Privileges.
Sa loob ng 18-pahinang dokumento, iginiit ni Aceron na nabigo ang senador na umaksyon sa isang reklamo laban kay dating Senate President Francis G. Escudero na inihain pa noong Oktubre 2, 2025.
Binigyang-diin ng abogado na sa kabila ng paglagda ng 347 mamamayan sa nasabing reklamo—kabilang ang isang Constitutional Commissioner at isang National Artist—ay lumipas ang 109 araw na walang anumang tugon, case number, o impormasyon ukol sa status ng kaso mula sa komite ni Ejercito.
Ayon sa reklamo ni Aceron, ang mahabang panahon ng kawalan ng aksyon ay hindi lamang simpleng administrative delay kundi isang “willful gross neglect of constitutional duty” o sadyang pagtanggi na gampanan ang isang mandato.
Naniniwala ang abogado na may kapasidad naman ang komite ngunit wala itong determinasyon na kumilos, kaya naman hiling niya ang pagsususpinde o censure kay Ejercito, ang pagpapatalsik dito bilang chairman ng ethics committee, at ang mandatory inhibition nito sa anumang usaping may kaugnayan sa kaso ni Escudero.
Bukod dito, nanawagan din si Aceron para sa mga reporma sa Senado gaya ng mabilis na pag-docket sa mga reklamo sa loob ng limang araw at pagkakaroon ng public registry para sa transparency.
Bilang tugon, ipinaliwanag naman ni Senador Ejercito na mayroong sinusunod na proseso ang Senado at hindi maaaring basta-basta unahin ang isang kaso nang hindi sumusunod sa tamang pagkakasunod-sunod ng paghahain.
Binigyang-diin niya na ang Pilipinas ay isang gobyerno ng batas at hindi ng tao, kaya kailangang dumaan sa tamang daloy ang bawat reklamo.
Ayon pa sa senador, hindi pa nababasa sa plenaryo ang reklamo laban kay Escudero dahil sa siksik na iskedyul ng Senado at hindi pa rin lubos na nabubuo ang mga miyembro ng ethics committee dahil wala pang isinumiteng nominado ang minority bloc.
Nanindigan si Ejercito na magpupulong lamang ang komite kapag kumpleto na ang mga miyembro nito sa muling pagbubukas ng sesyon.
Buwelta pa ng senador, tila hindi pinag-aralan ng abogadong naghain ng reklamo ang mga panloob na alituntunin at pamamaraan ng Senado bago nagsampa ng kaso laban sa kanya.
Sa kabila nito, iginiit ni Aceron na ang hinihingi lamang nila ay ang simpleng pagtatalaga ng case number na kaya namang gawin ng kahit anong barangay sa loob lamang ng limang minuto.
