Patay ang isang 35-anyos na assistant detachment commander ng Philippine Army matapos umanong pagbabarilin ng tatlong miyembro ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) sa loob mismo ng kanilang kampo sa Barangay Puray, Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang biktima na miyembro ng 80th Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army. Natagpuan ang bangkay nito madaling araw nitong Miyerkules matapos ang insidenteng naganap gabi ng Martes.
Batay sa imbestigasyon ng Rodriguez Police, nagsimula ang gulo dakong alas-8 ng gabi nang sitahin at pagalitan ng biktima ang mga suspek dahil sa pag-iinom ng alak sa loob ng Patrol Base Macaingalan. Ayon kay Police Lt. Col. Arwyn Gaffud, hepe ng Rodriguez Police, tila nagtanim ng sama ng loob ang mga suspek matapos silang disiplinahin at parusahan ng opisyal dahil sa nasabing paglabag.
“Kinimkim po siguro ‘yung pagdidisiplina sa kaniya, sama ng loob, at nagkaroon ng pagkakataon dahil base sa imbestigasyon lumalabas na under the influence of liquor po ‘yung suspek,” ani Gaffud.
Nang muling balikan ng biktima ang mga suspek para pagsabihan, dito na siya pinagbabaril gamit ang mga government-issued firearms na M16 at M14 rifles. Halos maubos umano ang isang buong magazine ng bala sa katawan ng biktima.
Naaresto ang mga suspek habang natutulog sa kanilang bahay matapos ang krimen. Narekober din ang mga baril na ginamit sa pamamaril.
Nagpahayag ng pagsisisi ang 27-anyos na pangunahing suspek at iginiit na hindi niya sinasadya ang pangyayari at nadala lamang ng bugso ng damdamin at kalasingan.
Samantala, magkakaiba naman ang alibi ng dalawa pang kasamahan.
Ang isa ay nag-akalang may nang-ha-harass sa kanilang kampo kaya nagpaputok, habang ang isa ay naniwalang may umaatake na kalaban kaya nagpaputok siya habang nakadapa sa loob ng kanyang kubo.
Kasalukuyang nakapiit ang tatlong suspek sa Rodriguez Police Custodial Facility.
Sila ay nahaharap sa mga kaukulang sakdal, kabilang ang Murder at Illegal Discharge of Firearms. (ARNOLD PAJARON JR)
