Mariing nanawagan si Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na muling ibalik ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa ilalim ng Office of the President (OP) upang masiguro ang proteksyon ng mga nakatatanda laban sa anumang anyo ng pamumulitika.
Ang panawagang ito ay bunsod ng paglilipat sa NCSC sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ayon kay Ordanes ay nagdudulot ng panganib na magamit sa personal na interes ang pamamahagi ng social pension sa bansa.
Iginiit ng mambabatas na ang usaping ito ay hindi lamang administratibo kundi isang mahalagang usapin ng dignidad at karapatan ng milyun-milyong senior citizens na dapat mapangalagaan laban sa panghihimasok ng mga pulitiko.
Ibinunyag din ni Ordanes ang mga nakababahalang ulat tungkol sa umano’y mga “palusot” na ginagawa sa loob ng DSWD upang maiwasan ang pagbabawal sa partisan politics sa gitna ng pamamahagi ng financial aid.
Sa ilalim ng nasabing taktika, pansamantala umanong hindi nagpapakita ang mga paymaster habang naroon ang mga pulitiko sa lugar ng pamamahagi at saka lamang itutuloy ang proseso kapag nakaalis na ang mga ito.
Ayon sa mambabatas, bagama’t tila nasunod ang teknikal na patakaran, malinaw na nilalabag nito ang tunay na diwa ng batas na naglalayong paghiwalayin ang serbisyo publiko sa pangangampanya.
Binigyang-diin ni Ordanes na kung mapatutunayang totoo ang mga ulat na ito, isa itong tahasang pagbalewala sa 2026 special provision ban na mahigpit na nagbabawal sa paggamit ng pampublikong ayuda para sa pansariling interes ng sinumang pulitiko.
Ipinaalala niya sa publiko at sa pamahalaan na ang pensyon ng mga nakatatanda ay hindi regalo mula sa sinumang opisyal kundi isang karapatang pinondohan ng buwis ng taumbayan.
Dahil dito, hindi aniya dapat gawing entablado para sa propaganda o pamumulitika ang pagbibigay ng tulong sa mga lolo at lola.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, hinimok ni Ordanes ang Pangulo na agaran nang ibalik ang pamamahala ng pensyon mula sa DSWD patungong NCSC habang maaga pa upang masiguro ang kapakanan ng mga senior citizens sa buong bansa.
Naniniwala ang kinatawan na ang NCSC ang tanging ahensya na nilikha upang maging pangunahing tagapangalaga ng mga nakatatanda, at ang pagbabalik nito sa direktang pangangasiwa ng Malacañang ang magsisilbing garantiya na mananatiling malinis at malayo sa anumang anino ng pulitika ang kanilang mga benepisyo. (MINA PADERNA)
