Bagama’t kilala sa pagpapatakbo ng malalaking negosyo ng sugal, tila hindi na nakipagsapalaran pa si Charlie “Atong” Ang sa kanyang sariling buhay matapos niyang isuko ang lima sa kanyang anim na baril kasunod ng pagkansela sa mga lisensya nito.
Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Gabriel Villareal, isinuko ang mga armas sa Mauway Police Sub-Station sa Mandaluyong City matapos iutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paghuli sa tycoon na itinalagang “armed and dangerous.”
Ayon sa ulat, kabilang sa mga isinukong armas ang isang Colt 5.56 rifle, isang Glock 9mm pistol, isang Sig Sauer 9mm, isang Smith and Wesson .38-caliber revolver at isang Battle Arms Development 9mm pistol.
Gayunpaman, nananatiling nawawala ang ikaanim na baril ni Ang—isang .260 caliber rifle—na ayon sa kampo nito ay nawala noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa isang liham na ipinadala kay Firearms and Explosives Office (FEO) director Brig. Gen. Jose Manalad Jr., binigyang-diin ni Villareal na ang pagsuko ay tanda ng pakikipagtulungan ng kanyang kliyente sa batas.
“Ang aming kliyente ay mapayapang isinuko ang mga sumusunod na armas… bilang pagtalima sa mga direktiba at nang walang pagkiling sa anumang remedyong legal na maaari niyang gamitin,” anang abogado.
Iginiit din sa affidavit ni Ang na hindi dapat gamitin ang insidenteng ito bilang batayan para sa “malisyoso o arbitraryong” pag-isyu ng search warrant, dahil nagpakita raw siya ng mabuting intensyon o good faith.
Matatandaang ipinag-utos ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa Philippine National Police (PNP) na gamitin ang lahat ng paraan upang madakip si Ang.
Sa kabila nito, nilinaw ni Remulla na walang ebidensyang nagpapatunay na may mga aktibo o retiradong pulis na nagpoprotekta sa kanya.
Inamin din ng kalihim ang hamon sa paghuli kay Ang dahil sa yaman nito. Ayon sa datos, kumikita ang gaming business ni Ang ng tinatayang P1 bilyon kada araw o P300 bilyon kada taon—halagang sapat upang “makaiwas” sa hustisya.
Sa kasalukuyan, anim na ari-arian na ni Ang ang hinalughog ng PNP ngunit bigo silang mahanap ang tycoon. Huling namataan si Ang sa isa sa kanyang mga bahay sa Mandaluyong.
Habang naniniwala ang whistleblower na si Julie Patidongan na nakatakas na palabas ng bansa ang kanyang dating amo bago pa lumabas ang mga warrant, iginiit naman ng Bureau of Immigration (BI) na wala silang rekord na umalis na ng Pilipinas si Ang. Bukod sa pulisya, nakatutok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtugis sa gambling tycoon. (BOYET BARBA JR)
