
Sa isang matapang at emosyonal na State of the City Address (SOCA) nitong Hulyo 1, Martes, isinapubliko ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang umano’y malawakang kapabayaan, katiwalian, at kapalpakan ng nakaraang administrasyon — kasabay ng kanyang panata na ibalik ang integridad at tapat na pamamahala sa kabisera ng bansa.
Ibinunyag ni Domagoso na sa ikalimang distrito ng Maynila, may itinayong estruktura mismo sa gitna ng pampublikong daan — bagay na tinawag niyang “technical malversation.”
“Nasisira na ba ulo niyo?” mariing tanong ni Moreno, sabay diin na hindi siya tutol sa pagpapaunlad ng imprastruktura, ngunit dapat ito’y ginagawa nang responsable at makabuluhan para sa mamamayan.
Binalaan din niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at City Planning and Zoning Department laban sa pag-iisyu ng permit nang walang malinaw na koordinasyon.
Binatikos din ni Domagoso ang konseho ng lungsod sa pagpayag na magamit ng isang kongresista ang lupa ng Maynila kahit walang Memorandum of Understanding (MOU).
“Bakit kayo nagpapagamit ng lupain ng lungsod ng Maynila sa congressman na wala namang kayong MOU? Kayo dapat ang tagapangalaga ng mga ari-arian ng lungsod, hindi sila,” giit ng alkalde.
Ibinulgar din ng alkalde ang garbage crisis na sumalubong sa kanyang administrasyon, kung saan 2,000 metric tons ng basura ang kinailangang hakutin sa loob lamang ng isang araw.
Habang pinuri niya ang emergency cleanup ng Disaster Risk Reduction Office, DSWD, at Leonel Waste Management, binanatan niya ang mga waste contractor:
“Nandyan ang truck. Nandyan ang DPS. May kontrata kayo. Nasaan kayo? Nasa Manila Hotel, nagla-lunch?”
Hinimok ni Domagoso ang Konseho na magdeklara ng state of public health emergency upang mapadali ang solusyon sa tambak ng basura at maprotektahan ang kalusugan ng mamamayan.
Iminungkahi rin ni Moreno ang General Tax Amnesty upang pagaanin ang pasaning pinansyal ng mga negosyante at residente.
“Ginawa silang bakahan. Alam niyo ba ang ibig sabihin ng bakahan? Ang baka, ginagatasan. Mas gusto nilang mali ang taxpayer para patuloy silang mapagsamantalahan,” aniya.
Kasunod nito, tiniyak ni Moreno ang pagpapaigting ng eBOSS (Electronic Business One-Stop Shop) at pagbuwag sa burukrasya.
Inilahad rin ni Domagoso ang mga proyekto para sa matagalang kaunlaran ng Maynila kabilang ang drainage at flood control projects; underground cabling para mawala ang spaghetti wires; pagsasaayos ng Plaza Azul at Lawton Underpass; vertical housing sa Binondo; pagtatayo ng PLM-College of Medicine; at pagpapabilis sa Magsaysay High School construction.
Ipinakilala rin ang “One Classroom, One Smart TV” program, layong lagyan ng HD internet-ready TV ang bawat public school classroom sa lungsod.
Bagama’t matindi ang kanyang mga pasabog, nilinaw ni Moreno na hindi siya namumulitika o naghahanap ng away.
“Hindi ako naninisi. Gusto ko lang malaman: sino talaga ang gumawa, sino ang kasabwat. Doon na ‘yon matatapos.”
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nag-iwan siya ng mensahe ng pag-asa: “Sa lahat ng kababayan natin rito sa Lungsod ng Manila—residente man kayo, o dito naghanapbuhay, nag-aaral, may negosyo, o kahit nakikiraan lang — ito po ang mensahe ko sa inyo: may gobyerno na muli sa Lungsod ng Maynila, 24/7.”
