
Matapos ang matagumpay na panunumpa bilang gobernador, buong pusong nagpasalamat si Governor Lyndon Barbers sa mga mamamayan ng Surigao del Norte, binigyang-diin ang kanyang panata sa tunay at makabuluhang paglilingkod.
“Ang panunumpa ko kahapon ay hindi lamang pormalidad, kundi paalala sa akin na ito ay isang tawag para sa tapat at taos-pusong serbisyo,” ani Barbers sa isang pahayag nitong Hulyo 1, kasunod ng kanyang panunumpa sa tungkulin.
Taos-puso rin ang pasasalamat ni Gov. Barbers sa kanyang pamilya, na aniya’y nagsisilbing lakas, inspirasyon, at puso ng kanyang paglilingkod. “Sila ang aking ‘greatest why’—ang dahilan kung bakit handa akong ibigay ang lahat para sa Surigao del Norte,” wika niya.
Inilahad din ng gobernador ang kanyang malinaw na pananaw at prayoridad para sa lalawigan: ang magtatag ng isang progresibo, inklusibo, at sustenableng kinabukasan—hindi lamang para sa kanyang apo na si Serena, kundi para sa bawat pamilyang Surigaonon.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Barbers ang isang kasabihang gabay niya sa pamumuno: “A leader is one who knows the way, goes the way, and shows the way” mula kay John Maxwell.
“Galing sa pinakailalim ng aking puso, daghang salamat, Karajaw Surigao!” pagtatapos ni Gov. Lyndon Barbers.
