

Malungkot na ibinahagi ng singer-actor na si Ice Seguerra ang pagpanaw ng kanyang ina, si Caridad “Mommy Caring” Seguerra, na isang kilalang personalidad sa showbiz bilang matatag na suporta ng kanyang anak.
Sa isang emosyonal na post sa social media, inihayag ni Ice na pumanaw si Mommy Caring ngayong umaga, alas-7:54 ng Hunyo 27. Hindi ibinahagi ni Ice ang sanhi ng pagkamatay ng ina, ngunit malinaw ang lalim ng kanyang pagdadalamhati.
“Mama lived a full and beautiful life. She was strong, kind, funny in her own quiet way, and always, always there,” ani Ice.
Sa kanyang post, inalala ni Ice kung paano naging sandigan niya ang kanyang ina—mula pagkabata hanggang sa kanyang paglaki bilang artist at bilang isang tao.
“She supported me not just as an artist, but as her child. She was my fiercest protector. She accepted me and embraced me for who I am, especially who I am not.”
Kalakip ng post ay isang larawan nina Mommy Caring, Ice, ang kanyang asawa na si Liza Diño-Seguerra, at kapatid niyang si Juan Carlos Miguel.
Binanggit din ni Ice ang matibay na ugnayan ng kanyang ina sa mga taong nakapaligid sa kanilang pamilya, maging sa mga kasamahan nila sa industriya, na itinuring ding ina si Mommy Caring.
“Salamat po sa lahat ng nakasama namin sa buhay niya. Salamat sa lahat ng nagmahal at tinuturing din siyang nanay. You all made her very happy.”
Sa ngayon, nananawagan si Ice ng panalangin at pagmamahal para sa kanilang pamilya at higit sa lahat, para sa kanyang ina.
“We’ll miss you forever, Mama. Pero magkasama na kayo ni Daddy. And that gives me comfort. Mahal na mahal kita, mama ko.”
Inaasahang maglalabas ng karagdagang detalye ang pamilya ukol sa burol ni Mommy Caring sa mga susunod na oras.
Nakikiramay ang buong showbiz community at mga tagahanga kay Ice Seguerra at sa kanilang pamilya sa panahong ito ng pagluluksa.