
Isinulat ni Alex Eala ang panibagong kabanata ng kasaysayan ng Philippine tennis matapos siyang maging kauna-unahang Pilipinong manlalaro, babae man o lalaki, na umabot sa finals ng isang WTA Tour-level singles tournament.
Nagpakitang-gilas ang 20-anyos na si Eala sa isang matinding laban kontra sa French player na si Varvara Gracheva, tinapos ang laban sa score na 7-5, 2-6, 6-3 para sa semifinal ng WTA 250 Lexus Eastbourne Open nitong Biyernes ng gabi, Hunyo 27 (oras sa Pilipinas).
“I’m really happy with the win… There were tough moments where she was dominating, but I stayed patient and waited for my opportunity,” pahayag ni Eala matapos ang laban.
Bagamat nawalan ng momentum sa ikalawang set, ipinakita ni Eala ang kanyang mental toughness at determinasyon sa deciding set upang tuluyang selyuhan ang panalo laban sa world No. 111 na si Gracheva.
Si Eala, kasalukuyang world No. 74, ay unang nakapasok sa semifinals ng WTA Tour sa Miami Open ngayong taon, ngunit ngayon lamang siya umabot sa championship round ng isang singles tournament sa WTA level.
Sa finals, makakaharap ni Eala si Maya Joint ng Australia, world No. 51, na tinalo si Anastasia Pavlyuchenkova ng Russia, 7-5, 6-3, sa kabilang semifinal round. Gaganapin ang championship match ngayong Sabado, Hunyo 28.
Mula sa qualifying rounds, unti-unting binuwag ni Eala ang mga hadlang sa kanyang landas:
- Tinalo si Hailey Baptiste (USA): 6-7(7), 7-6(7), 6-1
- Dinispatsa si Zeynep Sonmez (Turkey): 6-1, 6-3
- Winalis si Lucia Bronzetti (Italy): 6-0, 6-1
- Nilampaso si Jelena Ostapenko (Latvia), kampeon ng 2021:
- Tinalo si Dayana Yastremska (Ukraine) sa quarterfinals: 6-1, 6-2
Ayon kay Eala, mental resilience ang naging susi sa kanyang tagumpay.
“It was a challenge for both of us physically and mentally… the fact that I was able to stay there and wait for my opportunity is a big achievement for me today,” dagdag pa niya.
Sa tulong ng kanyang pusong palaban at husay sa court, muling pinatunayan ni Alex Eala na ang mga Pilipino ay may lugar sa pandaigdigang entablado ng tennis. Inaasahang buong bansa ang magbibigay-suporta sa kanyang laban para sa kampeonato. RON TOLENTINO
