ILA-LIVESTREAM na ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang kanilang mga pagdinig simula sa susunod na linggo, bilang bahagi ng hakbang para sa mas bukas at transparent na imbestigasyon sa mga anomalya sa imprastraktura.
Ang pahayag ay ginawa ni ICI Chairman Andres Reyes sa gitna ng Senate inquiry na pinangunahan ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Justice, na tinalakay ang Infrastructure Anomalies Investigation Act of 2025, panukalang naglalayong palawakin pa ang kapangyarihan ng ICI.
“We will now go on livestream next week once we get the technical capabilities with us already,” ayon kay Reyes.
Ang desisyong ito ay itinuturing na positibong tugon sa mga panawagan ng transparency advocates at ilang mambabatas na dati nang bumabatikos sa “closed-door policy” ng ICI.
Matatandaang hinimok ni Sen. Pangilinan ang komisyon na buksan ang kanilang mga pagdinig sa publiko.
“Do not test the people’s desire to know the truth,” babala ng senador. “Baka magising ang mga miyembro ng ICI bukas at nagra-rally na ang tao sa harap ng mga bahay ninyo.”
Mula nang ito’y buuin noong Setyembre 11, nagsasagawa ang ICI ng mga saradong imbestigasyon, kung saan limitado lamang ang access ng media sa mga opisyal na pahayag at briefing ng tagapagsalita ng komisyon.
Samantala, habang sinisimulan ng ICI ang mas bukas na proseso, nananatiling suspendido pa rin ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga proyekto sa imprastraktura, kasunod ng pagbibitiw ng dating Blue Ribbon Committee chair.
Ipinahayag naman ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang kanyang kahandaang muling pamunuan ang komite, habang sinabi ni Senate President Tito Sotto na siya ay “100% sure” na si Lacson nga ang muling mangunguna sa makapangyarihang panel.
