Photo Credit: Synergy: A GMA Collaboration/FB
Matapos ang masakit na pagkatalo kontra Arellano ilang araw ang nakalipas, College of St. Benilde (CSB) Blazers bumawi nang todo at pinabagsak ang San Sebastian Golden Stags, 82-64, sa pagpapatuloy ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament nitong Miyerkules, Oktubre 22, sa San Juan Arena.
Matapos ang unang quarter na may limang puntos na lamang, 19-14, biglang nagliyab ang Blazers sa ikalawang yugto at tuluyang iniwan sa ere ang Golden Stags.
Binuksan ng Benilde ang second quarter sa pamamagitan ng matinding 17-7 run, dahilan para tuluyang maitulak ang San Sebastian sa 36-21 deficit na hindi na nila nabawi hanggang dulo.
Umangat ang Blazers sa 4-2 record sa Group B standings — sapat para manatili sa ikalawang puwesto sa likod ng San Beda (4-1) at sa unahan ng Letran (4-3).
Ayon kay coach Charles Tiu, mahalaga ang panalong ito para maibalik ang kumpiyansa ng koponan.
“We talked about wanting to bounce back and finding our confidence because we haven’t been playing good basketball all season long. They kind of woke up today and got the job done,” ani Tiu.
Bumida sa pagbabalik-aksiyon si Allen Liwag, na galing sa ilang araw na pahinga dahil sa dengue, matapos kumamada ng 19 puntos at 7 rebounds. Nag-ambag din si Justine Sanchez ng double-double performance na 16 puntos at 11 rebounds.
Sa panig ng San Sebastian, hindi sapat ang bagsik ni Jhuniel Dela Rama na nagtala rin ng double-double — 20 puntos at 12 rebounds — habang tuluyang bumagsak ang Golden Stags sa ikalimang puwesto ng Group A (1-6 record). (RON TOLENTINO)
