May 19, 2024

2 magkaalitan nagsaksakan; 1 patay, 1 sugatan

DEBOL ang isang 41-anyos na lalaki matapos saksakin ng matagal na niyang kaalitan habang sugatan din ang suspek nang makaganti naman ng saksak ang biktima sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Valenzuela City Emergency Hospital sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib ang biktimang si Samuel Repuya, 41 ng Canumay East.

Ayon kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr, nahaharap naman sa kasong Homicide ang suspek na kinilalang si Roberto Galera alyas “Obet”, 47 ng creek side Phase 5 Meyland, Brgy. Lingunan.

Sa report nina PSSg Regimard Manabat at PCpl Rhod Rouveen Ramores kay PLt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation Unit (SDU) ng Valenzuela police dakong alas-8:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa Acasia St., Meyland Homes, Phase 5, Brgy. Lingunan.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, pumunta umano si Repuya sa bahay ni Galera saka kinompronta hinggil sa matagal na nilang alitan at nirobulusyon ang kanyang motorsiklo para lumikha ng ingay saka naghapon ng “Anung gusto mo? Gulo?” na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.

Sa kainitan ng kanilang pagtatalo, kumuha ng patalim si Galera at hinabol ng saksak si Repuya na nahagip sa kaliwang bahagi ng dibdib habang nagawa namang makaganti ng saksak ng biktima na armado rin ng patalim at nahagip din ang suspek sa kaliwang bahagi ng katawan.

Tumakbo ang biktima sa bahay ng kanyang kapatid na si Erwin, 38, na nakatira sa naturang lugar saka isinara ang gate na sinundan pa rin ng suspek subalit, nang hindi niya mabuksan ang gate ay tumakas na rin ito dala ang ginamit na patalim.

Matapos ang insidente, isinugod ang biktima sa naturang pagamutan habang sa follow-up operation ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 6 sa pangunguna ni PLt. Armando Delima ay naaresto ang suspek sa Valenzuela Medical Center kung saan siya nagpapagamot.