May 4, 2024

Mister arestado sa P204K shabu sa Valenzuela

BINITBIT sa selda ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr ang naarestong suspek bilang si Ronald Sevadera alyas “Bulalo”, 42 ng 1194 Bitik St., Brgy. Gen T De Leon.

Ayon kay Col. Destura, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Bambi St. Brgy. Gen T De Leon matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng droga ng suspek.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P8,500 halaga ng shabu at nang tanggapin niya ang marked money mula sa poseur-buyer ay agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto si Sevadera.

Ani PSSg Ana Liza Antonio, nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang sa 30 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P204,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8 pirasong P1,000 boodle money at cellphone.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.