May 18, 2024

2 arestado sa panloloko, P19k natangay sa online transfer

PHOTO: VALENZUELA CITY POLICE STATION/FB

SA kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki dahil sa panloloko sa isang sari-sari store owner para maglipat ng P19,741 sa pamamagitan online transaction sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief Col. Salvador Destura Jr ang naarestong mga suspek bilang si John Lester Valdemar, 33, at Jayson Soron, 23, kapwa ng Brgy. Veinte Reales.

Ayon kay Station Investigation Unit (SIU) chief PLt Robin Santos, lumapit si Soron sa 55-anyos na sari-sari store owner na kanyang kapitbahay para magpacash-in sa Gcash ng P50.00 subalit, bogus na GCash number umano ang binigay ng suspek sa biktima kaya nag-send ng OTP (One-Time Pin) ang GCash para sa verification.

Dahil alam ni Soron ang sistemang ito, hiniling niya sa biktima na ipakita sa kanya ang cellphone nito na kunwaring kanyang susuriin ang error at nang ipakita ng biktima cellphone nya ay kaagad na-memorize ng suspek ang OTP na sinend ng GCash.

Makalipas ang isang oras, nakatanggap ang biktima ng notification na naglipat siya ng P19,741 sa isang John Lester Valdemar. Humingi ng tulong ang biktima kay Sub-Station 6 commander PLt Armando Delima na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong estafa/ swindling.