Nagbukas ang panibagong kabanata sa makabagong edukasyon sa lalawigan ng Quezon matapos pormal na isagawa ng Department of Science and Technology (DOST) at Quezon Science High School ang inaugurasyon ng 21st Century Learning Environment Model (CLEM) Classroom sa Lungsod ng Tayabas.
Ang naturang pasilidad ang ika-23 CLEM Classroom sa buong bansa at ika-13 naman sa rehiyon ng CALABARZON.
Layunin nitong ilapit sa mga mag-aaral at sa komunidad ang mga pasilidad para sa makabagong pag-aaral at palakasin ang agham, teknolohiya, at inobasyon sa edukasyon.
Dinisenyo ang CLEM Classroom upang magbigay ng technology-enabled, collaborative, at learner-centered na paraan ng pagtuturo.
Sa pamamagitan nito, layong hubugin ang mga mahalagang kasanayan ng mga estudyante, kabilang ang critical thinking, creativity, communication, problem-solving, digital literacy, at scientific inquiry na kailangan para sa kolehiyo at sa kanilang hinaharap na karera.
Bukod sa pagbibigay ng mas interactive na leksyon para sa mga mag-aaral, hihimukin din ng bagong pasilidad ang mga guro na gumamit ng mga makabagong pamamaraan sa pagtuturo gamit ang angkop na teknolohiya.
Inihayag din sa inisyatiba ang plano na palawakin pa ang pakikipag-ugnayan ng CLEM program sa labas ng mga paaralan, kabilang ang pakikipagtulungan sa mga Lokal na Pamahalaan (LGU), pampublikong aklatan, at mga community learning center.
Sa pamamagitan nito, mas maraming mamamayan ang makikinabang sa mga digital na resorses, oportunidad sa pananaliksik, at mga programa sa information literacy. (MINA PADERNA)
