Inihayag ng Malacañang na “on target” o nasa tamang oras at iskedyul ang lahat ng preparasyon para sa gaganaping Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, wala pang isang buwan bago ang opisyal na pagbubukas nito sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang naging ulat ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kay Executive Secretary Ralph Recto sa ginanap na command conference noong Lunes.
Si Recto ang nagsisilbing pinuno ng ASEAN National Organizing Council (NOC), ang lupon na nangangasiwa sa paghahanda para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits na nakatakda sa Nobyembre 15 hanggang 17 sa Philippine International Convention Center (PICC).
“With 20 heads of state in attendance, this is a meeting with a million moving parts, from convoys to conferences, from agenda to attractions to be visited, from security to seat plans, so failure on our part is not an option,” pahayag ni Recto.
Bukod sa 20 lider ng estado at pamahalaan, inaasahang darating din ang libo-libong delegado at mga business leaders mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang talakayin ang mga pangunahing usapin sa pulitika, seguridad, at ekonomiya sa rehiyon.
Ayon kay Recto, halos kumpleto na ang mahabang checklist ng mga kailangang gawin, mula sa simpleng pagsalubong sa tarmac hanggang sa malalaking pagsasaayos sa daloy ng trapiko sa kalsada.
“Isang sukatan ng tagumpay ng ating ASEAN hosting ay kung ano ang pakinabang ng ating mamamayan,” diin ni Recto, kasabay ng pagtiyak na ang mga kasunduang mapapagtibay sa summit ay magdudulot ng dagdag na trabaho, lalawak na oportunidad sa negosyo, at mas matatag na seguridad.
Kabilang sa mga inaasahang maisusulong sa pagpupulong ang pagtatapos ng negosasyon para sa ASEAN-Canada Free Trade Agreement, na magbibigay ng mas malawak na merkado para sa mga produktong Pilipino.
Inaasahan din ang pagpapatibay sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement upang maglatag ng pamantayan sa digital trade, cyber security, at mas madaling transaksyon para sa maliliit na negosyo.
Dumalo rin sa naturang pagpupulong sina Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim de Leon, Department of Tourism (DOT) Secretary Dita-Angara Mathay, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Robert Joseph de Claro, at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan. (MINA PADERNA)
