May 4, 2024

HELPER ITINUMBA NG RIDING-IN-TANDEM SA HARAP NG LIVE-IN PARTNER

TODAS ang isang helper matapos pagbabarilin sa harap mismo ng kanyang live-in partner ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Agad binawian ng buhay sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang biktima na kinilalang si Cristalino Valino, 30 at residente ng 0953 Samaton, C. Perez Street, Barangay Tonsuya.

Batay sa report nina PCpl Renz Marlon Baniqued at PCpl Rocky Pagindas kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-9:16 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Pilapil Street, Barangay Tonsuya.

Sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad ang biktima kasama ang kanyang live-in partner na si Airralyn Magdaraog, 26, sa naturang lugar nang bigla siyang lapitan ng hindi kilalang suspek at dalawang beses na binaril sa ulo.

Matapos ang insidente, naglakad ang gunman patungo sa kanyang kasabwat na nagmamaneho ng kanilang getaway motorsiklo saka mabilis na nagsitakas sa hindi matukoy na direksyon.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang dalawang basyo ng bala at isang fired bullet mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente. (JUVY LUCERO)