May 16, 2024

DRIVER NATAGPUANG PATAY SA MALABON!

PALAISIPAN sa pulisya ang pagkamatay ng 54-anyos na lalaki na natagpuang wala ng buhay at nakadapa sa tinutuluyang bahay sa Malabon City, Martes ng madaling araw.

Huling nakitang buhay si Roy Marco, driver ng isang malaking medical laboratory ng kanyang kasamahan sa trabaho na is Teofilo Casipong, 56 dakong alas-11 ng gabi ng Lunes na nakahiga sa kama sa loob ng tinutuluyan nilang bahay sa 707 Gov, Pasucal St. Brgy. Potrero.

Gayunman, dakong alas-3 ng madaling araw ng Martes, nakita na lamang ni Casipong ang biktima na nakadapa sa sahig at napansin niyang hindi na humihinga kaya’t kaagad siyang humingi ng tulong at ipinagbigay-alam sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 ang pangyayari.

Sa pahayag ni Casipong sa pulisya, wala naman siyang napupunang karamdaman sa biktima at naging ugali na aniya nito na gumising ng maaga upang patukain muna ang mga alagang manok bago pumasok sa kanilang pinaglilingkurang kompanya.

Iniutos naman ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot na isailalim sa autopsy examination ang bangkay ni Marco upang alamin kung ano ang naging sanhi ng maaga nitong kamatayan. (JUVY LUCERO)