May 1, 2024

Habal-habal driver na wanted sa ilegal na droga, nadakma sa Valenzuela

ARESTADO ang isang habal-habal driver na listed bilang most wanted sa ilegal na droga sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr ang naarestong akusado bilang si Clark Genson, 22 ng Jacinto St., Brgy. Canumay West.

Sa ulat ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Penones Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Valenzuela police na naispatan ang presensya ng akusado sa Brgy. Punturin.

Agad nagsagawa ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni P/Cpt. Ronald Sanchez ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado, dakong alas-3:30 ng hapon sa harap ng isang Gas Station sa kahabaan ng Kabesang Purong Street, Brgy. Punturin, Valenzuela City.

Ani Cpt. Bautista, inaresto nila ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu Hon. Orven Kuan Ontalan, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 285, Valenzuela City noong June 30, 2023, para sa kasong Sec. 11, Art. II of R.A. 9165 – Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order ng korte.