
Nakahinga na rin ng maluwag ang Gilas Pilipinas matapos makuha ang unang panalo sa 2025 FIBA Asia Cup, nang pataubin ang Iraq, 66-57, sa huling laban ng group phase Sabado ng hapon (oras sa Maynila) sa Jeddah, Saudi Arabia.
Sa panalong ito, buhay pa ang tsansa ng Nationals para makapasok sa quarterfinals qualifications, habang tuluyan nang natanggal sa kompetisyon ang Iraq.
Bumida si Dwight Ramos na kumamada ng 21 puntos sa 7-of-14 shooting. Nahirapan naman si Justin Brownlee matapos ang 37-point explosion kontra New Zealand, nagtala lamang ng walong puntos sa 3-of-12 shooting pero may pitong rebounds, apat na assists, at tatlong steals.
Nabuhayan pa ang Iraq matapos bumaba ang lamang ng Gilas mula 18 puntos hanggang pito, 50-57, sa huling 6:26, pero agad itong sinagot ng tres ni Calvin Oftana, putback ni Brownlee, at layup ni Ramos para itakda ang 64-50 lead.
Pangamba naman ang posibleng dagdag-injury ni Oftana na umatras sa laro matapos matapilok sa huling 3:19 minuto. Matatandaang may iniindang calf, groin, at ankle injuries na ito mula sa PBA Finals.
Tabla ang iskor sa halftime, 33-all, bago sumabog ang Gilas sa third quarter at umabot sa 18 puntos ang kalamangan, 55-37.
Umayuda si AJ Edu ng 11 puntos at pitong rebounds, habang tig-anim na puntos ang naibigay nina June Mar Fajardo at Carl Tamayo. Para sa Iraq, kapwa may tig-13 puntos sina Thulfiqar Hammoodi at Ali Ismael, habang may 12 si Demario Mayfield.
Nagtapos ang Gilas sa group stage na may 1-2 win-loss record matapos ang dikit na pagkatalo sa Chinese Taipei at New Zealand. (RON TOLENTINO)
